2 hinihinalang rebelde patay sa engkwentro sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 10:04 PM

Patay ang dalawang hinihinalang rebelde sa sagupaan laban sa militar sa Barangay Carolina sa bayan ng Matuguinao, Samar Martes ng umaga.

Sa impormasyon mula sa 8th Infantry Division ng Philippine Army, alas-10 ng umaga nang makasagupa ng mga miyembro ng 63rd Infantry Battalion ang aabot sa 10 hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA).

Ito'y matapos magsumbong ang ilang mga residente na may mga rebeldeng nangingikil umano sa lugar.

Tumagal ng 20 minuto ang barilan sa pagitan ng dalawang panig. Dalawang hindi pa kilalang rebelde ang namatay sa engkwentro.

Nakuha rin ng militar ang isang M-16 rifle, isang shotgun at isang 9-millimeter na baril.

Nakikipagtulungan na ang militar sa lokal na pamahalaan para sa pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Patuloy pa ang hot pursuit operation ng militar laban sa mga nakalaban na maga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.