2 high school student na 'nagbebenta' ng marijuana, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 04:20 AM

MAYNILA - Arestado ang 2 high school students sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila Lunes ng gabi.

Nakuhanan ang 2 lalaki ng 1 kilo ng hinihinalang marijuana na may halagang P15,000.

Ayon kay Supt. Reynaldo Magdaluyo, hepe ng Raxabago Police Station, lantaran umanong nagbebenta sa kalsada ang mga suspek na may edad na 18 at 17.

"Itong batang ito hindi maingat ito eh. Ganun na sila ka-bold magbenta ng marijuana," aniya.

Kuwento ng isang suspek, kinukuha niya ang droga sa Divisoria at ibinebenta sa mga kapuwa estudyante.

"Meet-up po. Icha-chat po tapos kung saan magkikita," aniya.

Ikinasa ang operasyon matapos itinuro ng isa pang nahuling estudyante na sila ang pinagkukunan ng marijuana.

Kulong ang binata habang itu-turn over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.