1 sugatan sa salpukan ng motorsiklo, taxi sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 04:23 AM

Lyza Aquino, ABS-CBN News

MAYNILA - Sugatan ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang taxi sa kanto ng Sgt. Esguerra Ave. at Mother Ignacia Ave. sa Quezon City Martes ng madaling-araw.

Ayon sa taxi driver na si Alex Germono, nanggaling siya ng EDSA at pakaliwa sana sa Sgt. Esguerra Ave. nang sumulpot ang humaharurot na motorsiklo na minamaneho ng isang Elmer Nuñez. 

One-way ang nasabing kalsada at nag-counterflow ang motorsiklo kaya nagkasalpukan ang 2 sasakyan. Sa lakas ng pagkakabangga, nasira ang bumper ng taxi habang tumilapon ng ilang metro ang motorcycle rider.

Nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan si Nuñez at agad dinala sa ospital. Ayon sa ilang nakakita sa aksidente, mabilis din umano ang takbo ng motorsiklo.

Paalala ng mga traffic officer, laging sumunod sa traffic rules kahit na madaling-araw. - ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.