Unang araw ng balik-'Tokhang,' payapa

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 07:14 PM | Updated as of Jul 30 2019 12:48 PM

Watch more in iWantTFC

Naging payapa ang pagsuyod ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes sa mga bahay ng mga hinihinalang drug user at pusher, kasabay ng muling pag-arangkada ng "Oplan Tokhang."

Noong umaga sa Barangay Kalawaan, Pasig, sinimulan ng mga kawani ng Eastern Police District (EPD) sa isang panalangin ang kanilang operasyon.

Anim ang nasa watch list ng EPD at isa rito si alyas "Rico."

Nagulat si Rico nang madatnan ang grupo ng mga pulis sa kaniyang bahay.

Pero paglilinaw ni Chief Superintendent Reynaldo Guban Biay, direktor ng EPD, bahagi ng mga bagong alituntunin sa "Tokhang" ang pagbabawal sa puwersahang pagpasok sa bahay ng mga hinihinalang user at pusher ng droga.

"This time 'di sila (police) papasok kung hindi sila pinapapasok," ani Biay.

Sa ilalim din ng bagong "Tokhang," lilimitahan na lang mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang mga operasyon.

Kinausap si Rico ng mga pulis at barangay captain bago bigyan ng prayer leaflet.

Sabi ni Rico, matagal na siyang hindi gumagamit ng droga pero handa siyang sumailalim sa programa ng PNP.

"Dati ako gumagamit pero ngayon 'di na ako gumagamit," ani Rico.

Pinapirma si Rico sa barangay ng voluntary submission form at pumayag na magpabantay sa mga tauhan ng barangay. Sasailalim din siya sa therapy.

Caloocan

Sa Caloocan City, nagulat naman si "Leonora" nang sumulpot ang mga pulis sa kanilang bahay at hinanap ang kaniyang anak.

"Walang droga ['yong anak ko], tsismis lang 'yan," sabi ni "Leonora."

Sumama sa barangay ang anak ni Leonora at pinaliwanag na hindi siya gumagamit ng droga. Pinauwi rin ito matapos i-profile.

"We're actually talking on rights kasi sabi nga natin, kung ayaw mo, 'di ka naman pipilitin," ani Superintendent Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan police.

Namigay din ng flyers ang mga pulis sa mga residente upang paalalahanan sa mga epekto ng droga sa kalusugan.

Maynila

Sinamahan naman ang Manila police ng mga miyembro ng religious groups, human rights group, at media sa kanilang operasyon sa Raxabago, Tondo.

Kasama rin si alyas "Boy" sa mga inimbitihan ng pulis na sumuko sa barangay dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Ang iba sa mga sumuko ay tila nabunutan ng tinik at mas kampante nang sumuko dahil wala na umanong patayan.

"Hindi na kami nagtatago ngayon, madalas na ginugulo kami noon ng mga pulis," anang drug surrenderer na si Rochelle Aragon.

Sa operasyon naman sa Abad Santos at Moriones, Tondo, karamihan sa mga pakikiusapan sanang sumuko ay wala na sa kanilang mga bahay.

Quezon City

Pinangunahan naman ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde at Quezon City Police District chief Guillermo Eleazar ang "Tokhang" sa Batasan Hills, Quezon City.

"Sa dami ng sumasama sa 'ting mga kababayan natin, I think maiwasan na natin ang mga intriga (laban sa 'Tokhang')," ani Albayalde.

"Sa 'Oplan Tokhang,' walang panghuhuling gagawin so we're not expecting na magre-result ito sa anumang encounter," sabi naman ni Eleazar.

Ipinaliwanag ng PNP na kapag tumangging sumuko ang mga nasa watch list, iaalerto nila ang local drug enforcement units para simulan ang case build-up at maaaring maging target ng drug operation ang nasa watch list. 

Sabay-sabay ding nagsagawa ng Oplan Tokhang ang lahat ng yunit ng PNP sa iba-ibang bahagi ng bansa tulad ng Pangasinan, Palawan, at General Santos. -- Ulat nina Zyann Ambrosio, Kevin Manalo, Jasmin Romero, at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.