Mga bala, nakumpiska sa bahay ng barangay chairman sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 11:47 PM

Arestado ang isang barangay chairman matapos itong makuhanan ng mahigit 100 bala ng baril at grenade launcher sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Gayamat sa bayan ng Piddig, Ilocos Norte Sabado ng umaga.

Armado ng search warrant, ginalugad ng mga pulis na pinangunahan ng Ilocos Norte Provincial Mobile Force Company ang bahay ni barangay chairman Hector Jacinto Sr.

Positibong nakakuha ang mga pulis ng mga bala ng baril tulad ng 104 bala ng caliber .45, 10 bala ng caliber 9-millimeter, at 1 bala ng caliber .38.

Bukod dito, nakakuha pa ang mga pulis ng tatlong bala ng M-203 grenade launcher. 

May mga ilang magazine at holster ng iba’t-ibang klase ng baril na narekober din sa bahay ng suspek.

Ayon sa suspek, hindi sa kanya ang mga nakuhang bala at inakusahan niya ang mga pulis na itinanim ang mga ebidensiyang nakuha.

"Ibinaon nila ang ‘yung mga nakuha nila sa akin. Wala akong hawak na mga ganun. Planted ang mga ‘yun," ani Jacinto.

Itinanggi naman ni Superintendent Amador Quiocho, Commander ng Ilocos Norte Provincial Mobile Force Company, ang paratang ng suspek. 

Matagal na umano nilang mino-monitor ito dahil sa mga impormasyong may mga baril itong walang lisensiya.

"Marami kasi tayong mga natatangap na impormasyon base na rin sa kanyang mga kapitbahay na may hawak itong maraming baril," ani Quiocho.

Kasali rin ang suspek sa high-value target list ng iligal na droga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Ilocos Norte.

Nasampahan din ito ng kasong obstruction of justice noong 2017 dahil sa umano’y pagpigil niya sa pag-aresto ng mga pulis sa isang lalaki na sangkot sa isang komosyon sa kanilang bayan.

Haharap ang suspek ng kasong illegal possession of firearms and ammunition.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.