Lalaking umawat sa away ng mag-ama, pinagsasaksak

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 08:16 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

MANILA - Patay ang isang lalaki matapos saksakin ng kaniyang kainuman nang awatin ito habang nakikipag-away sa anak nito sa Barangay Talipapa, Quezon City nitong Linggo.

Katatanggap pa lang sa trabaho sa pabrika ng biktimang si Reymond Chen, 24, nang makilala niya ang suspek na si Alfredo Ayahay.

Niyaya si Chen ni Ayahay na makipag-inuman sa kaniyang bahay na katapat lang ng pabrika.

Nang malasing ang suspek, pinigilan siya ng kaniyang anak na lumabas ng bahay, dahilan para magtalo sila.

Pumagitna si Chen sa away ng mag-ama, pero napikon si Ayahay at sinaksak ang biktima. Nakalayo pa si Chen ngunit binawian din ng buhay, ayon sa anak ng suspek.

Pinaghahanap na ng mga pulis si Ayahay. Ulat ni Jon Ibañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.