Kuryente sa Albay, namemeligro sa banta ng ashfall

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 10:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bukod sa peligrong dulot sa mga residente, posible ring maapektuhan ng abong ibinubuga ng Bulkang Mayon ang suplay ng kuryente sa lalawigan.

Noong nakaraang linggo, nilinis ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga linya ng kuryenteng nabalot ng abo dahil sa posibilidad na magkaroon ng malawakang brownout kapag hindi ito inasikaso.

"'Pag kumapal 'yong abo at naging putik, it will solidify, it will short the line, it will cause trippings on the line," sabi ni Pedro Borja Jr., officer-in-charge ng NGCP South Luzon-District 3.

Sa ulat ng mga taga-Albay kay Energy Secretary Alfonso Cusi, sinabing wala pa naman problema sa kuryente dahil ang mga planta sa Bicol ay ligtas sa ngitngit sa Mayon.

Sa kabila nito, nais ni Cusi na maghanda ang mga pasilidad ng kuryente sakaling magkaroon ng aberya.

"We just hope na hindi aabot sa ganoon, na maaapektuhan ang ating transmission lines ng lahar flow," ani Cusi.

Ang Tiwi Geothermal Power Plant na malapit sa paanan ng Mayon ay ligtas naman umano sa nag-aalborotong bulkan.

"Nagpi-prepare na kami na mabalutan 'yong mga equipment," ani Buddy Virata, vice president ng Tiwi Geothermal Plant.

Kahit ang Bacon-Manito Geothermal Power Plant sa karatig-lalawigan ng Sorsogon, naghahanda sakaling magkaroon ng problema.

"We don't see any threat but in the event na worst case scenario, we are set to prevent catastrophic destruction of our facilities," sabi ni Willie Sarmago ng Bacon-Manito Geothermal Power Plant.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Balik-eskuwela

Balik-eskuwela naman nitong Lunes ang mga mag-aaral sa Albay matapos masuspende ang pasok sa nakalipas na dalawang linggo.

Pero dahil karamihan sa mga paaralan ay nagsisilbing evacuation center, aminado ang ilang mag-aaral at guro na mahirap ang sitwasyon.

Sa tala ng sangay ng Department of Education (DepEd) sa Bicol, 67 paaralan ang nagsilbing evacuation center para sa mga apektadong residente.

Sa bayan ng Camalig, nilipat muna sa Taladong Elementary School ang mga klase sa Tumpa Elementary School dahil pasok pa rin ang ikalawang nabanggit na paaralan sa danger zone.

Hindi tuloy maiwasan ng mag-aaral na si Flor Guevarra na manibago.

"Nahihirapan naman po pero siyempre tiya-tiyagain para sa pag-aaral," sabi ni Guevarra.

Palipat-lipat naman ng paaralan si Analiza Solano, isang guro, dahil nahati sa dalawang evacuation center ang klase.

"Medyo mainit pero kailangan tiisin," aniya.

Ang iba naman ay dumiskarte na lang para mairaos ang klase, tulad ni Myrna Nase na sa garahe muna nagturo.

"Kumportable naman sila dito," aniya.

May mga evacuee din na pinalabas muna sa tinutuluyang silid-aralan dahil gagamitin ito para sa klase.

Minamadali na ang pagpapatayo ng mga temporary learning spaces (TLS) dahil may mga mag-aaral na hindi pa rin nakababalik sa eskuwela dahil kulang ang mga silid-aralan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nitong Lunes, pumalo na sa halos 84,000 ang bilang ng mga residenteng lumikas.

Pinalilikas na rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga residenteng naninirahan malapit sa mga river channel dahil sa peligro ng lahar at sediment-laden stream flow.

Sabado nang makumpirma ng Phivolcs na nagkaroon ng lahar flow sa ilang ilog malapit sa bulkan.

Upang maibsan ang lungkot at pangamba ng mga nasa evacuation center, napasabak ang ilang tauhan ng Albay police sa sayawan at tugtugan.

"Gusto rin namin silang bigyan ng kaunting entertainment," ani Chief Superintendent Antonio Gardiola, regional director ng Philippne National Police (PNP) Region 5.

Maging si Gardiola ay humataw sa gitara.

Ayuda sa mga magsasaka

Namahagi rin ng binhi ang Department of Agriculture sa mga magsasakang nasira ang mga pananim dahil sa pagbagsak ng abo mula sa bulkan.

Kabilang sa mga napinsalang pananim ay kamatis, beans, at sili.

Namomroblema ang ilang magsasaka dahil hindi na muna sila makapagpapadala ng order sa isang malaking food chain sa bansa.

Nasa P185 milyon ang naitalang halaga ng pinsala sa mga pananim dahil sa abo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagtungo rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa Albay nitong Lunes para tingnan ang kalagayan ng lalawigang apektado ng nag-aalborotong bulkan.

Agad siyang nakipagpulong sa mga lokal na opisyal at inalam ang mga pangangailangan.

Nagpaabot ng P20 milyon si Duterte bilang immedate assistance at karagdagang P5 milyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office.

-- Ulat nina Alvin Elchico, Jeff Canoy, Jose Carretero, at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.