Amain, 'nanggahasa, nakabuntis ng anak-anakan,' arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 08:20 PM | Updated as of Jan 30 2018 12:28 AM

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking nanggahasa at nakabuntis sa 16 taong gulang na pamangkin ng kaniyang kinakasama.

Sa bisa ng isang warrant, nahuli ng NBI Special Task Force ang 56 anyos na suspek sa Baras, Rizal.

Ayon sa suspek, ang dalagita ang nakipagrelasyon sa kaniya.

"Hindi ko naman alam na menor siya, sabi kasi niya seventeen na siya," sabi ng suspek.

"Nagkaunawaan ng loob kami [tapos] niligawan ko siya," kuwento ng suspek.

Kuwento naman ni alyas "Vicky," ina ng biktima at kapatid ng kinakasama ng suspek, higit isang taon tumagal ang pang-aabuso hanggang sa mabuntis ang kaniyang anak.

Dagdag pa ni Vicky, na isang single parent, tinangka pa silang suhulan ng kaniyang kapatid at suspek para bawiin ang reklamo.

"Inalok pa kami ng P20,000 para mabuhay kami nang maayos. Hindi ko tinanggap," ani Vicky.

Ayon sa NBI, ilan sa mga palatandaang maaaring makita sa isang batang sinasaktan o inaabuso ay depresyon o labis na kalungkutan, pagkalugmok, madalas na pagkukulong, at apektado ang pag-aaral.

"Ang mga working mothers sana ihabilin niyo ang inyong mga anak na babae doon sa dapat pagkatiwalaan at huwag kung kani-kanino," ani Moises Tamayo, pinuno ng NBI Special Task Force.

"Mag-maintain kayo ng constant communication para malaman niyo kung ano nangyayari sa inyong anak," dagdag ni Tamayo.

Kulong ang suspek sa kasong qualified rape.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.