3 pulis-Caloocan, 'asset', pinakakasuhan sa pagkamatay ni Kian

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 10:11 PM | Updated as of Jan 29 2018 10:46 PM

Pinakakasuhan ng murder at pagtatanim ng ebidensiya ang tatlong pulis-Caloocan at isang police asset na idinadawit sa pagkamatay ng 17 anyos na si Kian Loyd delos Santos noong Agosto.

Sa 43 pahinang joint resolusyon ng Department of Justice (DOJ) panel na aprubado ni acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr., kabilang sa mga inirekomendang kasuhan sina Police Officer I Jeremias Pereda, Police Officer I Jerwin Cruz, at ang itinuturong bumaril kay delos Santos na si Police Officer III Arnel Oares.

Kinasuhan din ang sinasabing asset ng pulis na na si Renato Perez Loveras, alyas "Nonong" na nagturo kung saan matatagpuan si Delos Santos.

Sinampahan sila ng murder, "planting of evidence" o paglabag sa section 29 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, at "planting of firearms" o paglabag sa section 38 ng Comprehensive Firearms and Ammunition Act. 

Pinakakasuhan din sina Pereda at Cruz ng paglabag sa "domicile" o ang hindi awtorisadong pagpasok sa bahay ng mga complainant.

Ibinasura naman ng DOJ ang mga reklamong isinampa laban sa 13 iba pang pulis-Caloocan, kabilang ang station commander na si Chief Inspector Amor Cerillo.

Agosto 16 nang mapatay si delos Santos matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagsasagawa ng operasyon kontra-droga.

Iginiit din noon ng mga pulis na dawit sa ilegal na droga ang binatilyo.

Pero ayon sa ilang testigo at batay na rin sa kuha ng CCTV, isinama ng mga pulis ang binatilyo sa eskinita kung saan siya kalauna'y natagpuang patay.

Bumuhos ang pakikisimpatya ng publiko sa naiwang pamilya ni Delos Santos.

Nagsagawa rin ng pagdinig ang Senado kung saan isiniwalat ng isang testigo na nagmakaawa sa mga pulis si Delos Santos para sa kaniyang buhay.

Iginiit din ng testigo na walang kinalaman sa droga si Delos Santos.

LINISIN ANG HANAY

Pabor naman ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagsasampa ng kaso sa mga pulis.

Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, magiging paraan ito para mabigyan ng pagkakataong depensahan ng mga pulis ang sarili sa korte.

Sa talumpati naman ni Department of Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año sa 27th founding anniversary ng PNP, binigyang diin ang kahalagahan ng internal cleansing o paglilinis sa hanay ng mga pulis para matiyak na tanging ang "best and brightest" lang ang mananatili sa serbisyo.

Sa kabila ng mga kritisismo sa PNP, hinikayat ni Año ang mga pulis na maging tapat pa rin sa mandato na protektahan at pagsilbihan ang taumbayan.

-- Ulat nina Bianca Dava at Johnson Manabat, ABS-CBN NEWS

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.