17 plastic ng shabu, nasabat ng NBI sa Maynila

Ron Lopez, DZMM

Posted at Jan 30 2017 01:50 AM

MANILA - Labimpitong plastic ng shabu na aabot sa 1 kilo ang bigat ng bawat isa ang nasabat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dito sa Escolta, Maynila ngayong gabi.

Ayon kay NBI-NCR Regional Director Ricardo Diaz, ang mga pakete ng shabu ay nakuha mula sa isang Chinese syndicate na pinamumunuan ng isang alyas Feng na matagal na nilang binabantayan.

Ayon sa kanya, nakatanggap sila ng impormasyon na magkakaroon ng transaksyon ang grupo at magdedeliver ito ng droga sa southern part ng Metro Manila.

Sinundan nila ang isang kotseng Nissan na kulay pula at may plate number na WNL 700 na may dala umano ng droga at nagpaikot-ikot muna ito sa bahagi ng Binondo area. 

Dahil aniya sa traffic ay nawala sa kanilang radar ang sasakyan ngunit nang muling umikot ang grupo ay posibleng naramdaman umano nito na tinitiktikan sila ng awtoridad kaya't iniwanan ng driver nito ang sasakyan dito malapit sa ilalim ng Jones Bridge at nang ipaamoy sa K9 ay nagpositibo ito. 

Nang buksan ang trunk ng sasakyan ay nakita ang isang maleta na naglalaman ng mga plastic ng shabu.

Katatapos lamang ng laboratory check sa mga droga at nagpositibong shabu ang laman ng 17 plastic at katatapos lamang ng inventory ng mga nasabat na droga.