PatrolPH

Burol ni Jullebee Ranara, inihahanda na

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2023 04:45 PM | Updated as of Jan 28 2023 05:38 PM

MAYNILA — Patuloy ang pag-asikaso ng Department of Migrant Workers o DMW sa burol ni Jullebee Ranara, ang overseas Filipino workers na pinatay sa Kuwait.

Sabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac ngayong Sabado, may mga proseso lang na kailangang ayusin mula sa autopsy ng labi ni Ranara, na dumating Biyernes ng gabi, hanggang sa magiging burol nito.

“Sa ngayon po, magkakaroon ng awtopsiya . Ang NBI has been requested to conduct autopsy. Meron lang pong proseso yung mula ng kaniyang pagdating... hanggang sa maihanda na siya sa kaniyang burol," ani Cacdac.

"Ipinag-utos na rin ni (DMW) Sec. Toots (Ople) ang agarang pagbibigay ng assistance sa mga naiwan,” dagdag niya.

Hinihintay na lang din nila aniya ang opisyal na findings ng Kuwaiti authority sa pagkamatay ni Ranara.

“Nag-aantabay tayo ng official findings and report. In the meantime, nakaaresto yung salarin na 17-anyos na anak ng kaniyang employer. Ang charge po ay murder,” sabi ni Cacdac.

Aniya, nagpadala ng sulat sa pamilya ni Ranara ang ambasador ng Kuwait sa Pilipinas kung saan tiniyak nito ang hustisya sa pagkamatay ni Jullebee.

"Aside from action talaga na they are taking now…, sumulat ang ambassador ng Kuwait to the Philippines sa pamilya, sa nanay ni Jullebee, assuring them na meron nang imbestigasyon na nagaganap and justice will be delivered for the death of OFW Ranara."

Malamig naman ang DMW sa panukalang muling pagpapatupad ng deployment ban sa Kuwait.

"Sa ngayon, nakikita natin na may agarang aksyon ang Kuwaiti government. Nakikita natin na gumana yung proseso ng hustisya sa kanilang larangan. And yung pagkakaroon ngayon ng bilateral labor agreement na apat na taon na ang nakaraan, nag-automatic renewal lang. Ang directive ni Sec. Toots ay napapanahon na na tingnan ito para mapalaganap pa lalo yung proteksyon,” ani Cacdac. 

KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.