PatrolPH

Tourist workers sa Puerto Galera umaapelang alisin ang antigen test requirement

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2022 04:16 PM

Ilang linggo nang tahimik ang dating maingay na beach ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro mula nang itaas ang Alert Level 3 sa lugar. 

Naghigpit kasi ang lokal na pamahalaan sa pagpasok ng mga turista at mga residente kahit bakunado na at kailangang sumailalim muna sa antigen test.

Dahil dito, apektado ang kabuhayan ng mga residenteng nakasalalay ang kita sa mga turista gaya nina Grace Perez at Joyce Medina na mga waitress sa isang hotel. 

“Nag-isip kami ng ibang paraan pero talagang sobrang hirap pa rin po talaga. Minsan nag-online selling ako, naglalako ng kung ano-ano sabay sa panahon," ani Perez. 

“Sa katulad kung maliit lang ang sweldo, 200 lang 5 hours ganoon lang. Kahit sinong magaling magbudget yung 800 pesos hindi ko alam kung sinong magaling magbudget doon katulad ko umuupa kami ng bahay, 3,500 eh paano pa yung ibang gastusin," ani Medina. 

Marami sa mga hotel ang tumigil muna sa operasyon dahil walang dumarating na guest. 

Maging ang mga bangkero ay dumadaing na rin lalo't island hopping ang isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan nila.

Dahil dito, gumawa ng petisyon ang White Beach Business Owners Association kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na alisin ang antigen test requirements para sa mga turista. 

“We appeal to the honorable Governor Bonz Dolor to aid us because if this continues I think marami po sa aming mga kapwa negosyante will go out of business for good medyo humihingi po kami ng konting leniency coming from provincial office please help up, support us," ani WBBOA Secretary Aubrey Cabrera. 

Ayon sa isang shipping line, nasa 20 hanggang 35 na lang ang kanilang mga pasahero kada araw. 

Pero nanindigan si Dolor na nararapat ang antigen test requirement para hindi dumami ang kaso ng COVID-19 sa Oriental Mindoro. Dumaan din aniya ito sa konsultasyon sa mga eksperto. 

“Kung talagang gusto ng turistang pumunta ang usually ang turista naman may dalang pera, willing yan gumastos, 'yung P600, P700 na antigen test for their safety and for the safety noong empleyado ng resort kasi walang kapalit yung, hindi mo alam na asymptomatic ka bigla yang darating then kakain ka sa restaurant ng resort and eventually makakahawa ka ,sino maaapektuhan? Hindi ba yung pamilya ng resort owners, hindi ba yung pamilya ng empleyado? “

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.