TIGNAN: Pag-talon ng mga tamban, iba't ibang isda sa lambaklad sa Antique

Rolen Escaniel, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2022 07:57 PM

Nakuhanan ng video ang pag-talon ng Tamban at iba't ibang klase ng isda sa JECA lambaklad sa Brgy. Malabor, Tibiao, Antique, Biyernes ng umaga, Enero 28, 2022. Courtesy: Flord Nicson Calawag

ANTIQUE - Makikita sa video na ibinahagi ni Flord Nicson Calawag ang maraming isda na tumatalon sa kanilang balsa habang sila ay naghihila ng lambat sa lambaklad sa Tibiao, Antique, Biyernes ng umaga. 

Ang Antique ay parte ng Cuyo East Passage, isang tuna highway at migratory route ng isda ayon kay Calawag, isang licensed fisheries technologist. 

"Maganda ang plankton bloom sa Antique kahit amihan season kaya naging cove ang mga fishing grounds. Ang mga plankton ay kinakain ng mga maliliit na mga isda na syang hinahabol ng mga high-value fishes tulad ng Tangigue, Yellowfin Tuna at Malasugi," sabi ni Calawag. 

Ayon sa mga mangingisda sa lugar, posibleng hinahabol ng mga malalaking isda ang mga tamban dahilan para magtalunan ang mga ito sa balsa at sa mga bangka ng mga mangingisda.

Nakakuha ng apat na banyerang isdang Tamban, Batabangka, Barracuda, at Tangigue ang mga mangingisda sa lugar.

Ang lambaklad ay isa sa pinakamalaking fish trap na ginagamit ng mga taga-Antique sa pangingisda.