Petitioner vs Marcos Jr. umapela sa Comelec na isapubliko na ang desisyon

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2022 06:46 PM

MAYNILA - Nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes ang petitioner sa isang disqualification case ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na isapubliko na ang desisyon. 

Ito ay kasunod ng naging rebelasyon ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa kanyang boto na pumapabor sa disqualification case laban sa anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos. 

Sa virtual press briefing ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA), nagpahayag ng pagkadismaya si Howard Calleja, ang main counsel ng mga petitioner sa kaso laban kay Marcos Jr.

“I am deeply concerned with the developments in the first division of the Comelec. While I salute Commissioner Guanzon for the truth, honesty and most of all for her adherence to justice and the rule of law," ani Calleja. 

"I am saddened by her revelation of political influence and manipulation hounding the decision of the first decision and release thereof," dagdag niya. 

Sabi ni CARMMA Director Bonifacio Ilagan, hindi nakakagulat na may nangyayaring “machination” umano sa sistema ng Comelec.

“We the elderly in the CARMMA are no longer suprised na may mga nangyayaring machinations nanaman sa ating sistema, after all ang dictatorship ay hindi naman talaga nawala sa ating lipunan," paliwanag ni Ilagan. 

"Sa katunayan ay mayroong nagbabalik na nagisisikap na ma-restore ang kanilang lost glory. Nagulat kami pero sabi nga expected na namin na may mangyayaring gapangan," dagdag niya. 

Pinuri naman ni dating Gabriela Women’s Partylist Representative Liza Maza ang aksyon ni Guanzon sa maagang pagsasapubliko nito ng kanyang boto sa kaso laban kay Marcos Jr.

 'HARRASSMENT'

Umap ela din si Maza sa Partido Federal ng Pilipinas na tigilan na ang “harassment” kay Guanzon.

“Mataas na pagsaludo ang aming ibinibigay kay Commissioner Guanzon for speaking truth to power. Napakatapang na ipinahayag niya kung ano ba yung nasa likod na nangyayari sa kaso na ito," ani Maza. 

"Itong pakikialam dito sa resulta ng desisyon ng petisyon ni Commissioner Guanzon ay malinaw na intervention, hindi lang kaugnay noong petisyon…kundi kaugnay din ng eleksyon 2022. Ito po ay pakikialam sa resulta ng magiging eleksyon 2022," dagdag niya.

Sabi pa ni Maza, sana ay matanggalan din ng maskara kung sino ang mga indibidwal o grupo na umano’y nakikialam sa kaso laban kay Marcos Jr.

DESISYON NI GUANZON

Samantala, aminado si Calleja na sa matagal na niyang karanasan bilang isang election lawyer, hindi pangkaraniwan ang ginawa ni Guanzon nang isapubliko nito ang kanyang boto sa isang pending na kaso.

Pero sabi ni Calleja, hindi dapat dito matuon ang pansin ng publiko at dapat na mailagay na sa record ng Comelec ang boto ni Guanzon.

“Hindi ho kasalanan na maglabas, although it is not…kumbaga hindi siya regular na naglalabas ang commissioner ng kanyang decision, ang malaking kamalian dito ay ang pagbigay ng impluwensiya sa mga commissioner," paliwanag niya. 

"It is not the statement of Commissioner Guanzon that it is we should worry about, we should be worried by people even knocking at the Comelec. Hindi lang po kaso ang pinaglalabanan dito, pero ang kredebilidad ng 2022 elections."

Umapela sa Comelec si Calleja at ang mga petitioner na ilabas na ang desisyon sa lalong madaling panahon. 

PANOORIN 

Watch more on iWantTFC

Sabi ni Calleja, handa naman sila ano man ang magiging desisyon ng komisyon sa kanilang petisyon dahil mayroon naman iba pang posibleng mga ligal na remedyo.

“Sa kuwento ni Commissioner Guanzon, lumalabas…tapos na ang desisyon. Sana po ito ay ma-release na the soonest possible time, sabi nga natin, the longer it takes the ore doubts that we have with the decision, the longer it takes eh baka magkagulo-gulo na," aniya. 

"Remember, hindi ito ordinary kaso, or ordinary tribunal ang Comelec. Kung ngayon meron tayong agam-agam natural meron po tayong agam-agam sa resulta ng 2022 elections," sabi ni Calleja. 

"Sana po, for the sake of our country, for the sake of the Filipino people, for the sake of the institution they hold dear which is the Comelec...they should do good and uphold the mandate of the Comelec.”

Watch more on iWantTFC