PatrolPH

Pacquiao kontra sa paulit-ulit na lockdown

Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2022 08:36 PM

https://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/2021/news/06/29/20210601-pacquiao-manny-senate-prib.jpg

Sa Presidential One-on-One Interview ni Boy Abunda, binigyang diin ni Promdi presidential bet at Sen. Manny Pacquiao ang posisyon niya kontra sa paulit ulit na pagla-lockdown sa gitna ng pandemiya.

Kung siya ang magiging susunod na Pangulo, sisiguraduhin aniya niyang hindi mauulit ang naranasan ng mga Pilipino na pabalik-balik na lockdown.

Ayon sa kaniya, kasunod ng paulit-ulit na lockdown ang pagkalugi ng napakaraming negosyo ang kawalan ng trabaho ng marami at pagkagutom ng maraming Pilipino.

Giit ni Pacquiao, ang mas mabuting diskarte ay isang lockdown lang kasabay ang agresibong pagbabakuna sa mga gusto ng vaccine. Matapos nito ay agad na pagbubukas ng ekonomiya o negosyo.

Ang mga ayaw magpabakuna ay hindi rin aniya dapat pilitin.

Dahil mahaba pa ang inaasahang tatakbuhin ng pandemiya, dapat aniya may nakakasa nang programa ang gobyerno sakaling may bago na namang COVID variant na lumabas.

Ang mga kailangang depensa kontra COVID, sabi ni Pacquiao, ay puwedeng makuha sa kita ng gobyerno na pangako niya kukuhanin at gagastusin ng tama sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Dapat may mga programang nakaabang dyan. Ang sinasabi ko dito magkaroon tayo ng long term concrete plans. Kasama sa plano… magdevelop ng imprastraktura (para sa COVID),” aniya.

Samantala inirehistro rin ni Pacquiao ang posisyon niya para sa responsableng pagmimina para hindi naman tuluyang masira ang kalikasan na ibinigay ng Panginoon para kunan ng ikabubuhay ng mga tao.

Pero ang mining permit na ibibigay ng gobyerno aniya dapat limitado lang ang bilang, pati na ang taon kung kailan lamang papayagan ang pagmimina.

Ang gobyerno sabi ni Pacquiao ay dapat nakatutok sa operasyon ng mga nagmimina para maiwasan ang pang aabuso sa kalikasan.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.