PatrolPH

ALAMIN: Paano maiwasan ang phishing attacks

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2022 02:40 PM | Updated as of Jan 28 2022 02:56 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Inatasan kamakailan ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang ulat ukol sa phishing scam na nambiktima ng ilang guro.

Iniulat nitong linggo ng Teachers' Dignity Coalition na nalimas ang pera ng ilang guro sa kanilang Landbank account na aabot sa P200,000.

Ayon kay NBI cybercrime division chief Victor Lorenzo, ang phishing ay isang cyber attack kung saan ang mga scammer ay nagpapadala ng email o text o tumatawag para kunan ng personal na impormasyon ang kanilang mga biktima, gaya ng username at password sa online banking.

May 3 aniya na karaniwang phishing attack.

1. EMAIL PHISHING

Paliwanag ni Lorenzo, makakatanggap ng email ang biktima sa cyber attack na ito. Kapag iki-click ang link na ipinadala, malilipat ito sa page na nagpapanggap na website ng lehitimong bangko.

Hihingin aniya ang account information ng biktima gaya ng username at one-time password o OTP.

"Pag nakuha ho nila 'yun talaga, maca-capture ho nila 'yung account mo. Pwede ho silang mag-transfer at magiging successful 'yung transfer nila from your bank to another bank," ani Lorenzo.

2. SMISHING

Text o SMS naman ang matatanggap ng mga biktima sa smishing, ayon sa NBI.

Magbibigay ulit ng link ang scammer at mangangalap ng personal na impormasyon gaya sa email phishing.

3. VISHING

Sa cyber attack na ito, makakatanggap ng tawag ang biktima. Magpapanggap ang scammer na taga-bangko sila at hihingin din ang account information ng biktima.

"Never ever share your OTP. Huwag niyo i-mention kung tumawag sa inyo 'yan. Huwag iforward 'yung email o text message ng bangko," ani Lorenzo.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.