3 suspek patay, pulis sugatan sa engkwentro sa Camarines Sur

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2022 08:13 PM

Patay ang 3 suspek sa pagnanakaw ng kalabaw sa Goa, Camarines Sur matapos maka-engkwentro ang mga pulis nitong Biyernes. Goa MPS
Patay ang 3 suspek sa pagnanakaw ng kalabaw sa Goa, Camarines Sur matapos maka-engkwentro ang mga pulis nitong Biyernes. Goa MPS

CAMARINES SUR - Nauwi sa madugong engkuwentro ang operasyon ng mga pulis sa Barangay Pinaglabanan, Goa, Camarines Sur bandang alas-tres ng madaling araw, Biyernes, Enero 28, 2022.

Ayon sa deputy ng Goa Municipal Police Station, Police Lt. Rolly Nebran, nangyari ang engkuwentro habang tinutugis ng operatiba ng Camarines Sur Police Provincial Office ang mga suspek na naaktuhan umanong nagnakaw ng mga kalabaw sa lugar.

Tatlo sa mga suspek ang napatay, habang isa ay sugatan. Nakatakas naman ang dalawa pang suspek. 

Samantala, isang pulis ang nasugatan sa nangyaring engkwentro. 

Tatlong kalibre .38 na baril ang narekober sa pinangyarihan ng insidente. Narekober din ang apat na ninakaw na kalabaw. 

"Caught in the act po sila na may mga ninakaw na kalabaw and nung nakita sila ng operatiba sa highway, pinaputukan ng isa sa mga suspek yung operatiba kaya nagkaroon ng habulan. Dun na nagkaroon ng engkuwentro. Armado rin kasi ng baril yung mga suspek," sabi ni Nebran.

Matagal na umanong ipinapasailalim sa surveillance ng mga pulis ang mga suspek na sangkot umano sa malawakang pagnanakaw ng mga kalabaw at baka sa buong lalawigan.

"Grupo sila. Ang modus, magnanakaw sila at ibebenta. Malaki din kasi ang market value ng baka at kalabaw. Nasa P20,000 - P80,000 ang presyo lalo na kung lalaki at magandandang klase," ani Nebran.