PatrolPH

3 nasabugan sa dynamite fishing sa Samar; 1 naputulan ng braso

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2022 04:12 PM

Isang barangay chairman ang nasa kritikal na kondisyon matapos masabugan ng dinamita habang nangingisda sa dagat sakop ng Zumarraga, Samar nitong Miyerkoles.

Ayon sa Eastern Visayas PNP, nangingisda ang punong barangay ng Brgy. Maputi na si Elino Sobrino, 58, kasama ng isang Fernan Hinundayan, 24, at isang lalaking menor de edad habang nakasakay sa fishing vessel sa Brgy. Tinaogan.

Magtatapon na sana ng dinamita umano si Sobrino sa dagat pero sumabog ito bago pa maitapon.

Base sa mga larawan mula sa Police Regional Office 8, naputol ang mga braso ng naturang kapitan, at sugatan ang buong mukha niya at katawan.

Si Hinundayan at ang menor de edad ay isinugod sa Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City, habang si Sobrino ay dinala sa Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City para gamutin.

Ayon sa pulisya, nangingisda ang mga biktima gamit ang likos o fishing net pero gumagamit din sila ng dinamita, na ipinagbabawal sa bansa.

Nagsasagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon ang Zumarraga PNP ukol sa insidente. 

— Ulat ni Ranulfo Docdocan

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.