'Saludo kami sa kanya': Tapat na kawani ng DPWH sa Caraga binigyan ng motorsiklo

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2021 06:38 PM

MAYNILA - Bumuhos ang pasasalamat sa isang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Caraga Region matapos niyang isauili ang napulot na bag na naglalaman ng P360,000.

“Very proud kami sa kaniya. Kami dito sa buong Region 13 at sa opisina ay saludo kami sa kaniya. Talagang nakakataba ng puso maipagmamalaki namin siya,” pahayag ni Pol Delos Santos, ang regional director ng DPWH Caraga.

Ang tinutukoy na kawani ni Delos Santos ay si Bernardo dela Cruz, survey aide ng DPWH.

Sinuklian ng mga empleyado ng DPWH ang katapatan ni Dela Cruz sa pamamagitan ng isang bagong motorsiklo.

“Binigyan namin siya ng isang brand new motorcycle dahil sa pag-ambag-ambagan ng mga tao rito para magamit niya sa hanapbuhay,” sabi ni Delos Santos.

Sa kuwento ni Dela Cruz, nagbibisikleta siya pauwi ng bahay matapos mamili sa palengke nang maispatan ang bag na una niyang inakalang basahan sa kalsada noong nakaraang linggo.

“Nung matapat na ako sa pinaghinalaan kong basahan, bag pala,” sabi ni Dela Cruz.

Nagulat na lamang siya nang makita ang bundle ng pera sa loob na nagkakahalaga ng P360,000.

“Hindi ako natukso. Naisip ko, kawawa naman may-ari nito kung sakali,” sabi ni Dela Cruz sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga.

May ID na nakita sa bag at natukoy ang may-ari nito sa tulong na rin ng mga kasamahan ni Dela Cruz sa trabaho.

Sa parehong panayam, lubos naman ang pasasalamat ni Jean Hinayon, supervisor-cashier ng San Isidro Upland Farmers Multipurpose Cooperative na nakabase sa Santiago, Agusan del Norte, sa kabutihang ipinamalas ni Dela Cruz sa pagsasauli ng kaniyang bag.

“Di ko po lubos akalain na mangyayari po yun kasi sa tagal tagal nang trabaho ko na ako lagi nagwi-withdraw pamabayad ng abaca fiber. Siguro, aksidente lang ang nangyari,” sabi niya.

Wala na raw ang bag niya matapos bumaba ng multicab, kaya nag-report siya sa pulisya, kuwento niya.
 
“Sobrang abot-langit po yung panalangin ko (na) sana ang nakapulot ng bag ay isang mabuting tao at makonsensiya po siya talaga,” sabi ni Hinayon.

Pambayad aniya ang pera sa biniling abaca fiber ng kanilang kooperatiba.

“Sobrang buong puso akong nagpapasalamat sa kabutihan mo talaga. Ibinialik mo yung pera. Saludo po ako sa ‘yo,” sabi ni Hinayon kay dela Cruz.