PatrolPH

Mga baboy nakitang tumalon mula sa barko sa Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2021 08:14 PM

Watch more on iWantTFC


MAYNILA – Unti-unting nagkakalinaw kung papaano napadpad sa karagatan ng Oriental Mindoro ang mga patay na baboy matapos lumantad ang isang mangingisda na nakakita sa pangyayari.

Kuwento sa Municipal Agriculture Office ng mangingisdang si Wildredo Gutierrez, noong Enero 21 ng umaga habang nangingisda sila ng kaniyang anak ay nakita nila na nagtalunan mula sa barko ang mga baboy.

Patungo umano sa direksiyon ng Maynila ang barko.

"Apat 'yung tumalon na 'yun, halos sabay-sabay... Nasira 'yung hawla sa karamihan ng kargang baboy... Buhay 'yun nu'ng tumalon, hindi naman kusang itinapon ng taga barko," aniya.

Inamin ni Gutierrez na iniuwi nila ang isang buhay na baboy, kinatay, at inulam. Ang iba ay ipinamigay sa mga kapitbahay.

"Okay naman, wala naman sumakit ang tiyan. 'Yung tumulong sa pagkakatay pinagbibigyan ko," aniya. 

Sa kabila nito, nais pa rin ng mga lokal na opisyal na imbestigahan ang insidente. 

–Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.