Cityhood ng Calaca, Batangas, aprubado sa ikalawang pagbasa sa Senado

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2021 12:05 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Pasado sa ikalawang pagbasa sa Senado ang panukalang gawing isang ganap na siyudad ang munisipalidad ng Calaca sa Batangas.

Ito ay matapos mapunan ng munisipalidad ang mga requirement na isinasaad ng Local Government Code. 

Ayon sa may-akda ng panukala na si Sen. Francis Tolentino, umabot na sa mahigit P164 milyon ang taunang kita ng munisipalidad, malayo sa requirement na P100 milyon para maging lungsod ang isang bayan. 

Mas malaki rin ang nasasakupan ng Calaca sa requirement na 100 sq. km dahil umaabot umano ito sa 118.84 sq. km, batay sa tala ng Land Management Bureau. 

Pinabusisi lamang ito ni Sen. Franklin Drilon dahil 114.58 sq. km ang nasa record ng Department of Budget and Management. 

Sakaling maging batas, magtatakda na ng petsa ng plebisito ang Commission on Elections. 

Ilan sa mga industriya sa munisipalidad ng Calaca ang pangingisda, agrikultura, at mga thermal powerplant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.