MAYNILA — Sinang-ayunan ng House Committee on Basic Education ang resolusyon na nagbibigay ng academic ease o pagpapaluwag sa panuntunan sa K-12, upang lahat ng estudyante dito ay makapasa ngayong panahon ng pandemya.
Napagkasunduan ng komite na pinamumunuan ni Pasig Rep. Roman Romulo na ipaubaya na sa Department of Education (DepEd) kung ano kanilang magiging panuntunan upang mabigyan ng academic ease ang mga estudyante gayundin ang kanilang mga guro.
PANOORIN:
Nakabinbin kasi ngayon sa Kamara ang House Resolution (HR) No. 1383 na humihiling sa DepEd at sa Commission on Higher Education (CHEd) na payagan na magpatupad ang mga pampubliko at pribadong educational institutions sa bansa na mag-adopt ng pass or drop grading system sa pagtatapos ng school year 2020 to 2021.
Ganito rin ang layunin ng House Bill (HB) No. 7961 na humihingi ng scholastic leniency para sa naturang school year upang maproteksyunan ang mental health ng K-12 students.
Sa pagdinig, iginiit ni Romulo na mas mainam na ipaubaya na lamang sa DepEd ang usapin at hindi na kinakailangan ng batas lalo na’t isang school year lamang ang maaapektuhan ng pagluwag sa mga panuntunan sa mga pag-aaral ng mga estudyante.
Sinabi naman ni Education Asec. Alma Torio na may umiiral na silang polisiya kaugnay sa remediation classes lalo na’t may ilang mga estudyante na maaaring bumagsak dahil sa hindi nila pagtalima sa mga panuntunan sa pagsasagawa ng online classes para maiwasan ang kanilang pagbagsak.
“We have issued a memorandum entitled Strategies in the Implementation of Multiple Modalities and said issuances has given the utmost consideration of our learners who are at risk of failing by conducting remediation classes by the subject teachers,” paliwanag ni Torio.
“Kapag nakita na po natin na at risk yung mga bata kailangan gumawa na po tayo ng measure para matulungan sila para po talaga masabi po natin na no one should be left behind,” dagdag ng opisyal.
Dahil naman dito, nagpasya ang komite na bumuo ng isang resolusyon at amyendahan ang mga ipinupunto ng HB 7691 at HR 1383.
Kabilang sa lalamanin ng panibagong resolusyon ang paghiling ng academic leniency sa DepEd, CHEd at lahat ng academic institution sa bansa para sa academic calendar 2020 hanggang 2021.
Kalakip din dito ang paghiling na magkaroon ng pagluwag sa workload nang hindi naisasakripisyo ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
House Committee on Basic Education, House of Representatives, academic ease, K-12, COVID-19, COVID-19 pandemic, education, Commission on Higher Education, Tagalog news, patrolph, Alma Torio