Pahinante, sugatan matapos sumalpok ang truck sa intersection sa Pasig

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 05:22 AM

Sugatan ang pahinante ng isang 18-wheeler truck matapos nitong sumalpok sa isang puno at poste Lunes ng gabi sa may outer lane sa C5-Ortigas Avenue intersection, Pasig.

Kuha ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Ayon sa driver ng truck na si Jesus Balingbing, galing sila ng Barangay Baesa, Quezon City at magbabagsak sana ng steel bars sa Bagong Ilog, Pasig ng alas-11 ng gabi.

Binabaybay nila ang Ortigas Avenue nang mapansin na niya na sira ang preno ng truck. Dahan-dahan umano ang kanyang pag-andar hanggang sa sumalpok ang sasakyan sa isang poste at puno sa may intersection.

Sa lakas ng pagkakatama, nayupi ang harapang bahagi ng truck habang napilayan naman ang kanyang pahinante.

Gamit ang isang crane at tow truck ay inalis ng MMDA ang nagkalat na mga steel bars para mahatak ang nasirang truck.

Inabot nang mahigit 4 oras bago naialis sa gilid ng kalsada truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.