Mga silid-aralan kailan lang ba dapat gamitin bilang evacuation centers?

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 12:57 PM | Updated as of Jan 28 2020 01:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA- Marami pa rin ang nananatili sa iba't ibang evacuation centers bagama't ibinababa na sa alert level 3 ang Bulkang Taal. 

Kasama sa mga evacuation centers ang public schools, bagay na umano'y nakakaantala sa operasyon ng ilang paaralan. 

Ayon sa batas, ginagamit lamang dapat na evacuation center ang mga paaralan kapag wala na talagang lugar ang siyudad para sa mga nagsisilikas, ayon sa abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla." 

Alinsunod aniya ito sa Republic Act No. 10821 o Children’s Emergency Relief and Protection Act of 2015. 

Paliwanag ng abogado, dapat din kasing tutukan ang pag-aaral ng mga estudyante. 

"Huling huling resort na kung wala talagang malilipatan, saka lang gagamitin 'yong mga classroom," ani Del Prado. 

Ayon sa batas, dapat 15 araw lang nagtatagal sa mga paaralan ang mga evacuees. Kapag lumagpas na sa 15 araw, dapat nang humingi ng tulong ang lokal na pamahalaan. 

"Kapag tumagal dapat mag-e-escalate na ang local government hihingi na dapat ng tulong sa Department of Education at Department of Social Welfare and Development." 

Nanawagan si Del Prado na magtalaga ng budget para sa pagpapatayo ng evacuation centers na gagamitin kapag may sakuna. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.