Pulis patay, 11 iba pa sugatan sa pagsabog sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2019 11:23 PM | Updated as of Jan 30 2019 12:27 AM

Watch more in iWantTFC

MAGPET, North Cotabato - (UPDATED) Patay ang isang pulis habang sugatan ang 11 iba pa sa pagsabog sa Purok 4, Kabisig, Magpet, North Cotabato Lunes ng gabi.

Ayon sa paunang ulat, sakay ng 2 patrol car ang mga pulis ng Cotabato Provincial Mobile Force Battalion mula sa pagsasagawa ng checkpoint.

Nang makarating sa lugar, agad na sumabog ang 2 pinaniniwalaang landmine mag-aalas 7 ng gabi.

Malubhang nasugatan ang isang pulis na nagmaneho ng patrol car na kinilalang si PO1 Christopher Anadon. Pasado alas-10 ng gabi, binawian siya ng buhay, ayon sa isang opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Nagtamo naman ng mga sugat sa katawan ang mga kasama nito, kabilang si PO1 Stephen Pareño na nasa intensive care unit (ICU).

Matapos ang pagsabog, nagkaroon pa ng engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at ng mga lalaking pinaniniwalaang miyembro ng New People's Army (NPA).

Kahapon lang na-ideploy sa Magpet ang mga tauhan ng Mobile Force Battalion para magsilbing katuwang kasunod ng isinagawang operasyon kontra NPA.

Isa ang patay at isa ang sugatan sa hanay ng NPA sa nasabing operasyon.

Ayon sa 19th Infantry Battalion ng militar, mag-ama ang mga suspek.

Narekober sa operasyon ang mga matataas na kalibre ng armas, mga bala, pampasabog, mga gamit sa panggagamot, at samu't saring mga dokumento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.