Kapatid ng Abu leader suspek sa Jolo church bombings

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2019 04:59 PM | Updated as of Jan 28 2019 08:30 PM

Loob ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu, na inatake ng dalawang pagsabog ng bomba noong Linggo. Retrato mula sa Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command

Itinuturing na suspek sa magkasunod na pagpapasabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu ang kapatid ng yumaong lider ng Abu Sayyaf, sabi nitong Lunes ng Philippine National Police (PNP).

Isang alyas "Kamah" ang nahagip ng closed-circuit television (CCTV) sa paligid ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral bago nangyari ang mga pagsabog noong Linggo, ani PNP chief Director General Oscar Albayalde.

Watch more in iWant or TFC.tv

Gumagawa ng bomba sa Sulu si alyas "Kamah," na kapatid ng napatay na Abu Sayyaf leader na si Surakah Ingog, ani Albayalde.

Makikita rin sa kuha ng CCTV na mayroong ibang kasamahan si "Kamah."

Pinag-aaralan na rin ng mga awtoridad kung suicide bomber ba o hindi ang mga suspek, sabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año.

Sumabog ang unang bomba bandang alas-8:30 ng umaga sa gitna ng misa. Sinundan naman ito ng isa pang pagsabog sa parking area ng simbahan habang rumeresponde ang mga awtoridad sa naunang pagsabog.

Hindi bababa sa 20 tao ang napatay habang 100 iba pa ang nasugatan sa atake, na nangyari ilang araw matapos maratipika ang isang panukalang batas na magbibigay sa mga Muslim sa Mindanao ng mas malawak na kapangyarihang pamahalaan ang kanilang sariling rehiyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinatayang dalawang kilo ng explosive charge ang ginamit sa mga pampasabog, ayon kay Albayalde. 

DI KARANIWANG SA MGA PAMPASABOG NG ASF

Hindi rin daw karaniwang signature ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang components ng bombang sumabog sa Jolo, ayon kay Western Mindanao Command chief Lieutenant General Arnel Dela Vega. 

Pipe bomb ang pinasabog sa lugar pero kakaiba ang component dahil ginamitan ito ng ammonium nitrate fuel na hindi karaniwan sa mga dating pag-atake ng ASG, ani Dela Vega.

Posible umanong itinuro ng mga banyagang terorista sa ASG ang paggawa ng mga pasabog.

Inako rin ng teroristang grupong Islamic State (IS) ang pagpapasabog sa Jolo, ayon sa SITE Intelligence Group, isang grupo sa Amerika na nagbabantay sa mga jihadist website.

Pero duda rito ang ibang awtoridad dahil lumabas sa paunang imbestigasyon na hindi suicide bombing ang nangyari. Sa halip, itinanim o iniwan lang umano sa pinangyarihan ang bag na naglaman ng bomba. 

Dahil dito, masusing tinitingnan ng militar ang listahan ng mga namatay na sibilyan para mapag-aralan ang kanilang mga background at makakuha ng bakas kung ang pagsabog sa simbahan ay isang suicide bombing.

Bukod sa pinagsamang puwersa ng militar at pulisya, papasok na rin sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigation.

Binisita rin ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ang pinangyarihan ng pagsabog at nakipagkita sa pamilya ng mga nasawi.

Watch more in iWant or TFC.tv

NATIONWIDE HEIGHTENED ALERT

Kasunod ng pagsabog sa Jolo, inilagay na sa "nationwide heightened alert" ang buong puwersa ng PNP.

Ayon kay PNP spoksperson Senior Superintendent Bernard Banac, ito ay para mapigilang makapanggulo ang sino mang grupong posibleng gumawa ng kahalintulad na pagpapasabog. 

Paiigtingin din umano ang mga pag-iinspeksiyon sa mga checkpoint at ang ipinatutupad na gun ban.

Itinaas na sa "full alert" status ang Metro Manila, ayon kay Director Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibig sabihin, lahat ng pulis sa Metro Manila ay bawal munang mag-leave at hindi rin puwedeng umalis nang basta-basta sa mga lugar kung saan sila itinalaga. 

Nagalit at nadismaya naman daw si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyaring pag-atake sa Jolo, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dismayado raw ang pangulo dahil sa kabila ng mga hakbang ng gobyerno para magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao, mayroon pa rin daw mga puwersa roon na umaatake sa mga residente.

"Of course he (Duterte) was so angry, for one. For another, he is so disappointed that despite the movement to tread the path towards peace and development, there are still some forces in that region who sow terror and kill and murder people," ani Panelo. 

Para kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Al Haj Murad Ebrahim, walang kinalaman ang pagsabog sa plebisito sa Bangsamoro.

"This has nothing to do with the plebiscite," ani Murad.

HAMON SA BANGSAMORO

Ayon naman sa isang eksperto, hamon para sa magiging bagong Bangsamoro government kung paano mapipigilan ang karahasang ginagawa ng mga grupong tulad ng Abu Sayyaf na tutol sa layunin ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

"Ang sino-solve ngayon ng Bangsamoro Organic Law ay giyera laban sa MILF pero magpapatuloy ang giyera natin laban sa Abu Sayyaf Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighter... at iba pang mga pro-ISIS groups," ani Rommel Banlaoi, chairman ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research.

Nangangamba rin si Banlaoi na gayahin ang pag-atake sa Jolo ng mga grupong gusto pa ring isulong ang ideolohiya ng Islamic State.

Ayon naman kay Julkipli Wadi ng University of the Philippines Institute of Islamic Studies, kailangang palakasin ng magiging Bangsamoro government ang mga programa para tugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataan sa Sulu archipelago, lalo at sila ang nahihikayat sa ideolohiya ng Islamic State.-- May ulat nina Raffy Santos, Chiara Zambrano, Jeff Canoy, Zhander Cayabyab, Liezel Lacastesantos, Maan Macapagal, at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.