Kagawad inireklamo ng pananakit sa teenager sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2019 03:13 PM | Updated as of Jan 28 2019 08:05 PM

Nakuhanan ng CCTV ang umano ay pananakit ng barangay kagawad sa isang teenager sa Sampaloc, Maynila noong hatinggabi ng Linggo. ABS-CBN News

Isang barangay kagawad sa Sampaloc, Maynila ang inireklamo matapos umanong saktan ang isang teenager na kaniyang sinita dahil sa curfew. 

Kinilala ang kagawad bilang si Liza Quejong, chairman ng peace and order committee ng Barangay 425 sa Sampaloc.

Sinampal at kinuwelyuhan umano ni Quejong ang isang 15 anyos na lalaki na nakikipag-inuman sa labas ng kaniyang bahay pasado alas-12 ng hatinggabi noong Linggo, ayon sa ama ng binatilyo.

"Sabi niya disiplina lang iyon... hindi, unang-una menor de edad 'yan," anang ama ng biktima.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nauna nang sinita ng isang tanod ang mga nag-iinuman pero hindi umalis ang mga ito hanggang sa dumating si Quejong kasama ang barangay chairman na si Benjamin Pasamonte at dalawang pulis, base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) ng barangay.

Ayon kay Quejong, hindi niya intensiyon na saktan ang binatilyo.

"Noong moment na iyon... ako 'yong nanay na nangangaral na mali 'yang ginawa mo," ani Quejong. 

"Paano niya mararamdaman na mali iyong ginagawa niya? Hihilutin mo ba siya? Yayakapin mo siya? Iparamdam mo sa kaniya, kaya kita pinalo is because may kasalanan ka," ani Quejong. 

Nakatakdang dinggin sa barangay ngayong Lunes ang kaso sa pagitan ng pamilya ng binatilyo at mga opisyal ng barangay. --Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.