Gumamit ng sasakyan ng barangay para sa botante, timbog sa election code

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2019 05:31 PM

Naaresto ang isang kasalukuyang barangay chairman na tumatakbo sa pagkaalkalde sa bayan ng Rosario, Cavite dahil sa paggamit umano sa sasakyan ng barangay sa paghahatid ng mga botante.

Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto ng Rosario police si Joemel Pulido, chairman ng Barangay Tejeros Convention sa lungsod.

Inilabas noong Nobyembre 2018 ng Cavite City Regional Trial Court Branch 16 ang warrant dahil sa paglabag ni Pulido sa Omnibus Election Code.

Nangyari ang inireklamong insidente noong barangay elections noong Mayo, kung saan nanalo si Pulido.

Ipinagamit daw ni Pulido ang mga sasakyan ng barangay para sakyan ng mga botante noong mismong araw ng halalan, ani Chief Inspector Dhefry Punzalan, hepe ng Rosario police.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang paggamit ng pondo, at mga pasilidad o kagamitan ng gobyerno sa pangangampanya.

Bukod kay Pulido, apat pang empleyado ng barangay ang sinampahan ng parehong kaso.

Tumangging magbigay ng pahayag sa ABS-CBN News si Pulido at ang kaniyang misis.--Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.