Dayuhan naligo nang hubo sa beach sa Puerto Princesa

Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2019 03:49 PM | Updated as of Jan 28 2019 04:02 PM

Isang dayuhan ang sinita ng mga residente matapos maligo at maglakad sa Nagtabon Beach nang walang ano mang saplot sa katawan. ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY — Ikinagalit ng ilang residente sa lungsod na ito ang pagligo at paglakad nang hubo't hubad sa beach ng isang dayuhang turista.

Agaw-pansin ang lalaking turista sa Nagtabon Beach noong Linggo dahil sa pamamasyal nito sa dalampasigan nang walang ano mang saplot sa katawan.

Pero agad ding sinita ng ilang residente ang dayuhan na mabilis namang nagsuot ng damit at umalis.

Ayon sa mga residente, kung sa bansang pinanggalingan ng dayuhan ay tanggap ang ganoong gawain, sana raw ay naging sensitibo ang dayuhan gayong nasa ibang bansa ito.

"Dapat sana hindi nila ginawang ganun. Kasi paghubad pa lang ng ano (shorts), mapapansin na sana ng ano (mga tao)," sabi ng residenteng si Mely Orpio.

"Dapat binawalan na nila kaagad, hindi na nila hinayaan na naghubad. Kasi lalo na maraming bata," dagdag ni Orpio.

Ayon naman sa isang opisyal ng munisipyo, bagaman walang batas na nagbabawal sa paghuhubo sa beach, dapat maunawaan pa rin ng mga turista na hindi ito bahagi ng kulturang Pinoy.

Pinaalalahanan ni City Information Officer Richard Ligad ang City Tourism Office na manguna sa pagbibigay ng impormasyon sa mga dayuhan kung ano ang mga pinapayagan at ipinagbabawal sa kanilang lugar.

"Reminder na rin natin siguro sa City Tourism (Office) na... mabanggit na hindi acceptable dito sa atin," ani Ligad.

"Magaganda ang beach dito sa Puerto pero ito yung mga do's, hanggang dito lang tayo," dagdag ni Ligad.

Malaki rin daw ang maitutulong ng mga barangay sa pagpapakalat ng impormasyon sa mga dapat iasal sa mga tourist destination na kanilang nasasakupan, ani Ligad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.