Dating sumuko sa 'Tokhang' patay sa engkuwentro sa Obando

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2019 01:16 PM

Nauwi sa engkuwentro ang isang buy-bust operation sa Obando, Bulacan, na ikinasawi ng suspek na si John Michael Cabigting o alyas "Dimpol." Jervis Manahan, ABS-CBN News

Napatay nitong hatinggabi ng Lunes sa Obando, Bulacan ang isang lalaking drug suspect matapos mauwi sa barilan ang buy-bust operation na ikinasa ng mga pulis laban sa kaniya.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi bilang si John Michael Cabigting o alyas "Dimpol."

Matapos matunugan na pulis ang binentahan ng shabu, bumunot at nagpaputok ng kalibre .38 na baril si Cabigting, dahilan para mauwi ang operasyon ng mga pulis sa engkuwentro, ayon kay Chief Inspector Leopoldo Estorque, hepe ng Obando police.

Dati nang sumuko sa "Oplan Tokhang" si Cabigting pero hindi pa rin daw ito tumigil sa pagbebenta ng shabu, ani Estorque.

Madalas daw magbenta ang suspek sa Valenzuela at ibang mga bayan sa Bulacan.

Bukod sa baril, nakuha sa suspek ang siyam na sachet ng shabu.

Nakatakas naman ang kasamahan ni Cabigting sakay ng isang motorsiklo.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.