Bata nalunod sa sapa

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2019 08:57 PM

OSMEÑA, Zamboanga del Norte - Patay na nang matagpuan ang menor de edad sa isang bahagi ng sapa ng Kabebeth sa Barangay Penacio sa bayang ito noong Sabado.

Pauwi na sana ang biktima kasama ang dalawa nitong kapatid nang malunod sa rumaragasang tubig habang tumatawid sa sapa.

Ayon kay Police Chief Inspector Robert Agda, hepe ng Osmeña Police Station, nakaranas ng malakas na pag-ulan sa bayan noong Biyernes.

Dagdag pa niya, hindi umano inasahan ng magkakapatid na hindi nila kakayaning tawirin ang mataas na tubig sa sapa.

Nasanay na ang magkakapatid na tumawid sa sapa kaya’t hindi nila iniinda ang panganib na hinaharap habang tumatawid ito.

Paalala ng awtoridad sa mga magulang na huwag pabayaang umuwing mag-isa ang kanilang mga menor de edad na anak lalo’t masama ang panahon para maiwasan ang ganitong insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.