SAPUL SA CCTV: Pananalisi sa isang klinika sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 08:15 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakuhanan ng CCTV ang pagnakaw ng isang kawatan ng cellphone mula sa isang klinika sa Caloocan City.

Sa kuha ng CCTV, pasado alas-8 ng gabi noong Enero 25, makikitang pumasok ang isang babae at bata sa optical clinic.

Nagtanong pa ang babae sa empleyado ng klinika kung mayroong doktor pero pasimple na nitong tinakpan ng payong ang cellphone ng empleyado.

Nang umalis ang empleyado para pumunta sa banyo, tinangay ng babae ang cellphone.

Naiyak naman sa panghihinayang ang biktimang empleyado.

"Hindi ko masyado binibili 'yong mga gusto ko para maipon ko 'yong pera pambili doon (cellphone)," anyang biktimang si alyas "Marie."

Paniniwala ni Marie, kinasangkapan ng kawatan ang kasamang bata.

Patuloy na kumakalap ng impormasyon ang biktima at klinika dahil hanggang ngayon ay blangko sila sa pagkakakilanlan ng mananalisi.

"Payat, maputi siya, medyo may kaunting sira ng ngipin niya," paglalarawan ni Marie.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.