Nahulihan ng 'marijuana,' napulot lang daw ang droga

Maria Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 08:11 AM

MANILA - Dinampot ng pulisya ang nasa 26 na indibidwal, kabilang ang isang nahulihan ng hinihinalang marijuana, matapos lumabag sa iba't ibang city ordinance sa Quezon City, Sabado ng gabi.

Arestado ang 19 anyos na si Charles Cabardo matapos makuhanan ng isang pipe na sinasabing may lamang marijuana.

Ayon kay Cabardo, na nagdiriwang ng kanyang kaarawan, napulot lang niya sa kalsada ang pipe ng marijuana at saka niya ito naisipang tikman.

Kabilang sa mga nahuli ang mga umiinom sa kalsada, mga naglalakad sa pampublikong lugar nang walang damit pang-itaas at mga menor de edad na lumabag sa curfew at nag-iinuman.

Ayon kay Supt. Christian Dela Cruz, hepe ng QCPD Station 10, ang operasyon ay bahagi ng anti-criminality operation sa mga lugar na sakop ng istasyon.

Pagmumultahin ang mga naaresto ngunit maaari pa ring makulong habang sasailalim naman sa counselling ang mga menor de edad kasama ang kanilang mga magulang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.