'Inuna ang sisihan': Gabriela tinuligsa ang aksyon ng gobyerno sa Dengvaxia

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 03:30 PM | Updated as of Jan 28 2018 07:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Umalma ang Gabriela party-list ngayong Linggo laban sa umano'y mabagal na aksyon ng pamahalaan kaugnay ng pagbibigay ng nakaraang administrasyon ng kontrobersyal na Dengvaxia dengue vaccine sa libo-libong bata. 

Anila, nasa 26 na bata na ang namatay dahil sa dengue at multiple organ failure matapos maturukan ng Dengvaxia, batay sa forensic examination ng Public Attorney's Office. 

"Walang political will, inuna ang sisihan," paratang ni Gabriela Rep. Arlene Brosas sa isang press conference. 

Sinuspinde ng gobyerno nitong Disyembre ang pagbibigay ng Dengvaxia sa mga public school students, matapos aminin ng kumpanyang Sanofi Pasteur na maaaring makasama ang naturang bakuna kapag ibinigay sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Nagkasa naman ang National Bureau of Investigation, Senado at Kongreso ng magkakahiwalay na imbestigasyon sa kampanya. 

Inatasan din ng pamahalaan ang Sanofi na itigil ang pagbebenta ng Sanofi sa mga pribadong ospital. 
 
Pero ayon sa Gabriela, nakakatanggap sila ng nasa 15 na reklamo kada araw ukol sa aksyon ng gobyerno. Kabilang anila rito ang kawalan ng information drive at kakulangan ng special lanes sa mga ospital para sa mga nabigyan ng Dengvaxia. 

Hinikayat ng Gabriela ang mga magulang ng mga Dengvaxia recipient na lumahok sa kanilang protesta sa Pebrero 7 at makipag-dayalogo sa Department of Health (DOH). 

Una na ring kinasuhan ng grupo sina dating Pangulong Benigno Aquino III at dating health secretary Janette Garin.

Sinabi naman ng DOH na kailangan pang beripikahin ang pag-aaral ng PAO ukol sa mga batang namatay umano matapos mabigyan ng Dengvaxia. 

Inihirit din gn DOH na ibalik ng Sanofi ang kabuuang P3.5 bilyon na ibinayad ng Pilipinas para sa kanilang bakuna. Nakapag-refund na ang kumpanya ng P1.1 bilyon para sa mga hindi pa nagagamit na dose ng Dengvaxia. 

May ulat nina Jeck Batallones at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.