Ginang binaril sa gitna ng kalsada sa Las Piñas, patay

MIchael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 08:31 PM

Nakahandusay sa kalye ang katawan ng isang ginang na binaril ng nakamotorsiklong gunman sa Las Piñas City. Kuha ni Sofia Regalado, ABS-CBN News

MAYNILA - Patay ang isang ginang nang barilin sa tapat ng depot store sa Alabang-Zapote Road, bahagi ng Brgy. Almanza Uno sa Las Piñas City, Linggo, mag-aalas-4 ng hapon. 

Dead on the spot ang biktima na si Gregoria Sugita, 47, nakatira sa Buensamino Street sa Brgy. BF Homes, malapit lamang sa pinangyarihan ng krimen. 

Ayon kay PO1 Alvin Marinay ng Las Piñas-PCP-7, tumatawid ang ginang kasama ang kanyang 18 anyos na anak na lalaki nang paputukan sila ng hindi pa nakikilalang salarin. 

Hindi naman napuruhan ang anak ng biktimang si Kenjie. Aniya, nakasakay sa motorsiklo ang lalaking bumaril sa kanila kaya mabilis itong nakatakas. Nakasuot ito ng puting t-shirt at itim na helmet. 

Ikinasa naman ng pulisya ang dragnet operation upang mahuli ang salarin. Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.