Bilang ng mga turista, lilimitahan sa El Nido, Palawan

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 03:01 PM

Babawasan na ang bilang ng mga turistang bumibisita sa ilang lugar sa El Nido, Palawan.

Ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbuo ng mga alituntuning pangontra sa mga negatibong epekto ng lumalagong turismo.

Nakararanas na kasi ang El Nido ng pagbaba ng kalidad ng tubig, pagbaha, pagdami ng informal settlers, at pagtatayo ng mga establisimyentong walang kaukulang permit o pahintulot mula sa pamahalaang lokal.

Nagpasa ng resolusyon ang management board ng El Nido-Taytay Protected Area na naglilimita sa bilang ng mga pumapasok na turista sa tatlong pinakadinarayong lugar sa El Nido, ayon kay DENR-MIMAROPA regional director Natividad Bernardino.

Nasa 720 na lang ang pahihintulutang makapasok sa Big Lagoon kada araw, habang 360 naman sa Small Lagoon.

Isinara naman sa 144 bisita ang maaaring pumunta sa Secret Beach kada araw.

Lilimatahan na rin ang mga kayak o bangkang ginagamit sa aktibidad na kayaking.

Ipagbabawal na rin ang cliff diving o pagtalon mula sa bangin, pangingisda, at pag-ihaw ng pagkain sa mga nasabing lugar.

Iniiwasan umano na matulad ang El Nido sa Boracay na nakararanas ng problema sa basura at pagbaba ng kalidad ng tubig.

Noong 2017, umabot sa 200,000 ang bilang ng mga turistang bumisita sa El Nido.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.