P400K na halaga ng shabu, nasamsam sa buy-bust sa Novaliches

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2017 01:34 PM

QUEZON CITY- Nasa P400,000 ang halaga ng nasabat na materyal na pinaghihinalaang methamphetamine o "shabu" sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon City Police District Station 4 sa Barangay San Agustin sa Novaliches, Biyernes ng gabi.

Nasamsam ang mga droga sa isang bahay na inuupahan ni Maribeth Albano, kung saan naganap ang transaksyon.

Bukod sa shabu, nakuha rin ang ilang drug paraphernalia, timbangan, electric sealer, mga cellphone at notebook na naglalaman ng mga transaksyon.

Arestado si Albano, ang katulong nito na si Melody Sudla, pati ang mga runner na sina Agosto Cortez, Bryan Ramos at Marvin Vitor na nasa bahay din nang maganap ang operasyon.

Wala naman ang pakay ng buy-bust na si Michael dela Cruz, na live-in partner ni Albano.

Nakahalata diumano ang isa sa mga suspek na mga pulis ang bumibibili ng shabu kaya tinangka nitong tumakas, pero nahabol ito mga pulis.

Matapos nito ay pinasok ng mga pulis ang bahay ng mga suspek, na ginagawa na rin umanong drug den.

Ayon kay Albano, napilitan lang siyang sumali sa pagtutulak ng droga dahil niloko siya kamakailan sa negosyo at kailangang kumita.

Umamin si Albano na siya ang naghahawak ng pera at nagdedeposito sa bangko ng kita.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang 5 pati na Dela Cruz na pinaghahanap pa ng mga otoridad.

Nasa 5 buwan pa lamang nangungupahan sa bahay ang grupo pero itinuturing ng pulisya na malaking grupo ang nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.