Butanding, nailigtas sa Albay, Bicol

Erick Baldo, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2017 06:23 PM

Courtesy of BFAR Bicol

Matapos ang halos 1 oras, ligtas na napalabas kaninang umaga sa isang baklad sa karagatan ng Barangay Tinapian sa Manito, Albay, ang 1 butanding na may habang 7 metro.

Mga maninisid galing sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture ang nagtulong-tulong para mapalabas ito.

Ayon sa kanila, kahapon pa ito nakita sa loob ng baklad. Posible umanong nakapasok ito dahil sa nanginginain ito sa lugar.

Marami kasing maliliit na isda sa lugar na pagkain ng mga butanding, ayon sa BFAR.

May nakita rin ang grupo na 2 fish hook na nakatusok sa butanding, na kanilang inalis bago pakawalan ang hayop sa baklad.

Hindi umano ito ang unang beses na may nabihag na butanding sa lugar, kaya panawagan ng BFAR, agad na sabihin sa kanila kung muling mangyari ang parehas na insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.