MAYNILA - Malaki-laki ang itataas ng presyo ng diesel, gasolina at kerosene bago matapos ang Enero, ayon sa mga taga-industriya.
Sa unang 4 na araw ng trading sa world market, nasa P1.39 na ang itinaas ng kada litro ng gasolina at kerosene at P0.82 kada litro sa diesel.
"Nakita natin na magkakaroon ng increase na naman sa presyo ng produktong petrolyo lalo na diesel, gasolin at kerosene," ani Department of Energy Assistant Director Rodela Romero.
Nakikitang sanhi ng sumisipang presyo ng langis ang bumabangon na ekonomiya ng China.
Sa kabila ng taas-singil sa langis sa mga nakalipas na linggo, hindi nakikita ng mga eksperto na aabot sa P80 kada litro muli ang presyuhan nito sa Metro Manila.
"Sa tingin namin mukhang di naman aabot nang ganun kasi may resistance kasi yung pagtaas ng crude mabilis pagsirit pero nag-stagnate din e," ani Jetti Petroleum President Leo Bellas.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.