MAYNILA - Dinudumog sa Kadiwa sa San Juan City ang bigas, itlog at sibuyas na pawang tumataas ang presyo sa mga palengke.
Nasa P40 lang ang kada kilo ng bigas ng premium na bigas sa Kadiwa market sa Barangay Tibagan sa San Juan City, Kalahati lang yan ng presyo sa palengke na pumapalo sa P80.
Dahil sa baba ng presyo, bigas ngayon ang unang naubos sa Kadiwa.
Ang itlog naman ay P8 ang kada piraso ng large. Sa palengke ay maliit na itlog lang ang P8.
Naubos na rin ang pulang sibuyas na P160 ang kada kilo, pero may natitira pang lasona na P150 ang kilo.
May puting sibuyas pa rin na P170 ang kilo. Galing ng Pangasinan at Bicol ang mga gulay sa Kadiwa, habang sa Bulacan, Pampanga, at Nueva Ecija naman ang itlog at mga prutas.
"Ang laking ginhawa kasi presyo ng sibuyas sa palengke, nasa P230-250. Para makamura kami, pumupunta kami ng Divisoria. Eh malapit ito, ‘yung time, effort, everything. Dito na lang," ayon sa mamimili na si Nina Teope.
Regular na ang pag-ikot ng Kadiwa sa iba’t ibang barangay sa San Juan, dalawa hanggang tatlong beses kada linggo.
-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN Newss
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.