PatrolPH

Jeep bumangga sa pader ng bahay sa Iloilo; 19 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2023 10:09 PM | Updated as of Jan 27 2023 10:50 PM

(UPDATED)—Sugatan ang 19 na pasahero matapos bumangga sa pader ng isang bahay ang isang pampasaherong jeep sa Tigbauan, Iloilo, Biyernes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Tigbauan PNP, nanggaling sa bayan ng Miag-ao, at papunta sa Iloilo City ang jeep nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito matapos may tumawid na mga bata sa kalsada sa Brgy. Barroc.

Mabilis umano ang takbo ng jeep, ayon sa mga awtoridad.

Kaagad dinala sa ospital ang mga pasahero ng jeepney.

Nasa kustodiya ng Tigbauan PNP ang driver ng jeep at hinihintay ang magiging desisyon ng mga sugatang pasahero kung magsasampa ang mga ito ng kaso laban sa driver.

Nitong Huwebes, isang bus ang umararo rin ng 13 indibidwal sa Janiuay, Iloilo matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito.

Binangga ng bus din ang 10 sasakyan na nasa lugar.

Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ang mga taong naglalakad at naipit naman sa kanilang mga sasakyan ang ilang mga biktima.

Kaagad na dinala sa ospital ang mga sugatan. Isa ang kritikal habang patuloy naman na ginagamot sa ospital ang iba pang biktima.

Sumuko sa Janiuay PNP ang driver ng bus at hinihintay ang magiging desisyon ng mga biktima kung magsasampa ang mga ito ng kaso laban sa driver ng bus.

—Ulat ni Rolen Escaniel

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.