Diskuwento sa pamasahe imbis na libreng sakay ang balak ipatupad sa EDSA Busway bunsod ng kakulangan sa budget, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Aabot sa P1.2 bilyon ang inilaang budget para sa service contracting program ng libreng sakay na malayo sa P8.2 bilyon na pondo noong 2022.
"The intention of the leadership is to stretch the money as long as we can… Malamang ang gagawin dito is we will just be giving discounts kasi kung ang gagawin lang libreng sakay, ‘yong 1.2 billion (pesos) is apat na buwan lang po 'yon," ani LTFRB chairman Teofilo Guadiz III.
Una nang sinabi ng Department of Transportation na pumapalo sa P10 hanggang P12 milyon ang ginagastos ng gobyeno araw-araw sa operasyon ng libreng sakay.
Bukod sa diskuwento sa pasahe, balak ding paglaanan ng pondo ang subsidiya para sa mga driver at palawigin ang programa sa mga pampasaherong jeepney at UV Express, bukod sa EDSA Bus Carousel.
May pondo na rin para sa fuel subsidy ng mga tsuper na aabot ng P3 bilyon.
-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.