PatrolPH

8 naospital, daan-daan inilikas dahil sa chemical leak sa Malabon warehouse

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2023 06:59 PM

Bodega sa Tinajeros, Malabon kung saan nagkaroon ng pagtagas ng chlorine. Idineklara ng Bureau of Fire Protection na ligtas na ang paligid at pwede na umuwi ang mga residente.
Bodega sa Tinajeros, Malabon kung saan nagkaroon ng pagtagas ng chlorine. Idineklara ng Bureau of Fire Protection na ligtas na ang paligid at pwede na umuwi ang mga residente.

Hindi bababa sa 8 katao ang naospital, habang daan-daan ang inilikas dahil sa tumagas na chlorine sa isang warehouse sa Barangay Tinajeros sa Malabon City. 

Ayon sa Malabon Bureau of Fire Protection, bandang tanghali ng Biyernes nang makatanggap sila ng ulat ng masagsang at nakakahilong amoy mula sa isang warehouse ng dealer ng mga oxygen tank. 

Sa paunang imbestigasyon, natagpuan sa lumang bahagi ng warehouse ang sumingaw na tubig na positibo sa chlorine. 

Nagsimula nang magbalikan sa kani-kanilang mga bahay ang mga residenteng nakatira malapit sa isang warehouse sa Malabon, kung saan nagkaroon ng leak ng chlorine kaninang tanghali.
Nagsimula nang magbalikan sa kani-kanilang mga bahay ang mga residenteng nakatira malapit sa isang warehouse sa Malabon, kung saan nagkaroon ng leak ng chlorine kaninang tanghali.

Ayon sa mga awtoridad, mataas ang concentration ng chlorine na nakita sa tubig sa lugar. 

Kabilang sa mga isinugod sa ospital ang 5 bata at 1 senior citizen na pawang nakaranas ng pagkahilo at pagsusuka. 

Sa ngayon, tinabunan muna ng buhangin ang bahagi ng warehouse na nagpositibo sa chlorine at palaisipan pa rin ang sanhi nito. 

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.