PatrolPH

5 patay sa pananambang sa Zamboanga del Norte

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2023 10:43 PM | Updated as of Jan 28 2023 12:37 PM

Kuha ni Lovely Grace Fajardo
Ang kotse ng mga biktima na pinagbabaril sa Sirawai, Zamboanga del Norte nitong Huwebes, Enero 26. Kuha ni Lovely Grace Fajardo


(UPDATED) Lima ang patay matapos silang tambangan sa bayan ng Sirawai, Zamboanga del Norte nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa mga awtoridad, pauwi ang mga biktima lulan ang isang sasakyan nang pagbabarilin sila sa Barangay Piña.

Kasama sa mga nasawi ang chairman ng Barangay Balubuan na si Ali Manangca.

Dalawang iba pa ang sugatan.

Nag-ugat umano ang pamamaril sa "rido" o away pamilya dahil sa 'di pagkakasundo sa lupa. 

Nagsilbing ganti ang ambush para sa pamamaril noong Disyembre 2022, kung saan si Manangca umano ang may pakana, ayon sa pamilya ng mga biktima, sabi ni PCol. Glenn Dulawan, provincial director ng Zamboanga del Norte Police Provincial Office.

"[Noong] 2016 pa na incident na may namatay sa kabila, balos (ganti) sa kabila, tapos balos din sa kabila last na incident December. Kung makita mo apelyido nila, middle name ng victim Lumiguis. Ang mga kalaban nila, Lumiguis," sabi ni Dulawan.

Gumamit umano ang mga salarin ng M16 at M14 rifle sa pinakahuling insidente, base sa narekober na empty shells sa lugar.

"Ang tanong, bakit gano’n ang gamit nila na mga firearms? So involved na dito ang mga gun for hire," sabi ni Dulawan.

Anim na salarin ang natukoy na ng mga awtoridad pero di pa nila nilalabas ang pangalan ng mga ito.

Watch more News on iWantTFC

— Ulat ni Dynah Diestro

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.