PatrolPH

Hilig sa online games, tinitingnang sanhi ng pagpapaputok ng bata ng baril sa Bulacan: PNP

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2023 04:25 AM

SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Posibleng interes sa mga baril bunga ng hilig sa paglalaro ng online video games ang nagdala sa isang 12-anyos na estudyante na ipuslit ang service firearm ng kanyang amang pulis sa eskuwelahan.

Ito ang pangunahing tinitingnan ng pulisya sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) sa Bulacan na nasa likod ng pagpapaputok ng bata ng baril habang nilalaro umano ito sa banyo ng paaralan bago mag-alas-6 ng umaga ng Huwebes.

Namatay ang Grade 6 student sa ospital mula sa tama ng bala sa kanyang ulo.

Ayon kay Police Lt. Col. Ronaldo Lumactod Jr., hepe ng SJDM police, nakuwento ng magulang ng bata sa pulisya ang pagkahumaling ng bata sa mga naturang laro.

“Actually, 'yong bata is fascinated, fascinated siya sa mga guns because of, na-influence siya ng online gaming like Mobile Legends and Counterstrike. So akala niya, ‘yong hawak niyang baril ay the same with the firearms na ginagamit nila during CounterStrike,” sinabi ni Lumactod sa panayam ng ABS-CBN News.

“So gusto niyang ma-feel ‘yong ‘the real McCoy’, the real firearms na nakikita niya sa kanyang tatay. So, noong kinuha niya ‘yong baril ng tatay niya, hindi niya alam ‘yong ill effect, ‘yong repercussion na mangyayari ‘pag pumutok ang totoong baril.”

Ayon sa police report, tumama ang bala sa nguso ng bata at lumabas sa bandang ilong niya bago tumama sa kisame.

Watch more News on iWantTFC

Naging stable ang lagay ng bata sa pinagdalhang ospital 3 oras mula ang insidente, pero ayon sa pulis, nadiskubre sa CT scan na may shrapnel na naiwan sa bahagi ng kanyang utak.

Pasado ala-1 ng hapon, idineklara siyang patay.

Bukas pa rin ang pulisya sa iba pang anggulo sa likod ng insidente.

“Wala naman siyang intensyon na ipanakot o ipakita sa friend niya, siguro sa pagkalikot lang niya ng baril, that’s the time na pumutok ang baril,” ” sabi ni Lumactod.

“We are conducting further investigation dito sa school kung ano ang other motive na bakit nagawa ng bata ‘yong ganyan. We [will] also [be] conducting neighborhood check kung ano ang attitude ng bata before the incident.” 

Hawak na ng Forensic Group ng Philippine National Police (PNP) ang 9mm na service firearm ng tatay na pulis.

Sabi ni Lumactod, nasa bahay pa ang tatay noong nangyari ang insidente.

Ayon sa PNP, nakadestino ang tatay na may ranggong executive master sergeant sa Directorate for Police Community Relations sa Kampo Crame.

Inaalam din ng pulisya kung paano napasakamay ng bata ang baril.

“Titignan po natin, iimbestigahan po natin kung ano yung dahilan paano nakuha nung bata, kung may nakikita na lapses on the part of the father, ma-pre-charge siya,” sinabi ni Police Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office sa panayam sa telepono.

Ilan sa posibleng kaharapin na kaso ng pulis ay reckless negligence at neglect of duty.

Inabisuhan naman ng pulis at lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte ang mga paaralan sa lungsod na higpitan ang kanilang seguridad at ipasiyasat ang mga pinapasok na gamit sa loob.

“Due to familiarization both ng guard and student, wala na silang checking, ‘di na sila nagche-check for other equipment ng mga estudyante. Thats why naipasok ng bata yong baril,” sabi ni Lumactod.

“Other than that, there is no other motive bukod sa curiosity sa baril kaya niya nakalikot yong baril ng tatay niya, na-unlock, it so happened na pumutok at tumama sa kanya.”

Tumangging magbigay ng pahayag sa media ang pamunuan ng elementary school at nagsabing ipauubaya na lang ito sa Department of Education (DepEd).

Wala pang inilabas na pahayag ang DepEd tungkol sa mismong insidente, pero sinabi nito noong Biyernes na makikipag-ugnayan ang mga division office sa mga pulis para matukoy ang mga paaralan na mangangailangan ng spot inspection para sa mga armas.

Bunsod naman ito ng naunang insidente ng pananaksak ng isang 15-anyos na estudyante sa 13-anyos na kapwa estudyante sa Culiat, Quezon City noong Enero 20.

—May ulat nina Jorge Cariño at Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.