PatrolPH

Phishing scam na target ang mga guro pinasisilip sa NBI

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2022 06:54 PM

Watch more on iWantTFC

Ilang taong ipon na sa isang gabi lang nawala.

Ganyan ang karanasan ni alyas "Grace," isang guro mula Rizal, na nagsabing biktima rin siya ng online banking fraud.

Nasa P200,000 ang nawala sa Landbank account ni "Grace."

"Mga around 9 p.m. noong January 11, naka-receive po ako ng email from my mobile phone ng OTP. Very suspicious po dahil wala naman po ako ginagawang transaction that time," sabi ni "Grace." 

"Para po kaming nanakawan nang wala po kaming kalaban-laban," dagdag niya.

Kasama si "Grace" sa 28 guro at tauhan ng Department of Education (DepEd) na gumawa ng isang grupo dahil pare-prehas silang nakatanggap ng one-time PIN sa alanganing oras.

Hindi nila ito ginalaw at pag-check sa kanilang account ay nalimas na ang kanilang pera.

Inatasan na ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan at magsagawa ng case build-up ukol sa phishing scam na nambibiktima ng mga guro.

Ayon naman kay Benjo Basas, national chairperson ng Teachers' Dignity Coalition, naghahanda na rin ng affidavit ang mga nabiktimang guro at DepEd personnel para isumite sa NBI.

Nang hingan ng pahayag kung maibabalik ang pera ng mga biktima, sinabi ng Landbank sa ABS-CBN News na inaasikaso na nito ang lahat ng mga naiulat na kaso ng banking fraud.

Ayon sa bangko, dadaan ang mga ulat sa masusing imbestigasyon para mabigyan ng agarang resolusyon.

Ayon naman kay Education Undersecretary Annalyn Sevilla, tinutulungan ng DepEd ang mga nabiktimang empleyado sa pakikipag-usap sa Landbank.

Ayon kay Sevilla, nasa pagitan ng bangko at account holder ang magiging resolusyon ng mga kaso.

Maglalabas umano ang DepEd ng iba pang advisory o paalala sa mga empleyado upang maiwasan ang mga online scam.

— Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.