PatrolPH

Nasa P40 milyong halaga ng hinihinalang shabu nasabat sa Makati; 2 tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2022 01:29 AM

MAYNILA — Nasa P40 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Makati City nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Pol. Lt. Col. Glenn Gonzales ng intelligence and foreign liaison division ng PNP, kumagat sa kanilang buy-bust ang 2 residente ng Pasay City matapos sila umano magbenta sa poseur buyer ng nasa 6 kilos ng shabu sa Brgy. Palanan.

Nakasilid ang mga ilegal na droga sa anim na plastic sachet ng tsaa.

Sa pagtaya ng PNP-Drug Enforcement Group, nagkakahalaga ang mga nasabat na shabu ng P40.8 milyon.

Ayon sa PNP-DEG, ang mga naarestong suspek ay kilalang dealer ng droga sa ilang mga lugar sa National Capital Region at kalapit na probinsiya. May mga pinagbabagsakan umano ang 2 ng kanilang supply habang nagpapanggap ang mga ito bilang online delivery riders.

Dinala na ang mga suspek sa tanggapan ng PNP-DEG sa Camp Crame at mahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.