9 na nagpositibo sa omicron sa Iloilo, may biyahe mula Boracay

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2022 04:38 PM

Naghihintay ng kanilang flight ang mga pasahero sa Iloilo International Airport noong January 3, 2022. Mark Demayo, ABS-CBN News
Naghihintay ng kanilang flight ang mga pasahero sa Iloilo International Airport noong January 3, 2022. Mark Demayo, ABS-CBN News

ILOILO CITY - May 16 na bagong kaso ng COVID-19 omicron variant ang naitala sa lungsod nitong Enero 26, ayon sa datos na inilabas ng Iloilo City Epidemiology and Surveillance Unit ng City Health Office (CESU-CHO).

Ayon kay CESU head Dr. Marigold Calsas, sa 16 na bagong kaso ay dalawa pa dito ang hindi naka-recover at naipatingin na sa infectious disease specialists.

Ang 14 naman na gumaling na ay muling isailalim sa swab test para masiguro ang kanilang kalusugan.

Siyam umano sa 16 na nagpositibo sa omicron variant ay may travel history mula sa Boracay.

Sa 16 na tinamaan ng omicron variant, 13 ang bakunado na habang 3 ang unvaccinated at kasalukuyang naka-quarantine sa kani-kanilang mga bahay.

Samantala, sa lalawigan ng Capiz, naitala ang 14 na bagong kaso ng COVID-19 omicron variant.

Ayon sa Capiz Provincial Health Office, posibleng local transmission ang 14 na bagong kaso ng omicron sa lalawigan, dahil wala umanong travel history ang mga nagpositibo sa virus.

Sa 14 na pasyente, 7 ang nanggaling sa bayan ng Jamindan, 3 mula sa Roxas City, 2 sa Mambusao, at tag-iisa mula sa bayan ng Ivisan at Pontevedra, Capiz.

Lahat sila ay pawang nakarekober na sa sakit.

--May ulat ni Rolen Escaniel

Watch more News on iWantTFC