PatrolPH

Walang homicide sa pagkamatay ni Christine Dacera: PNP report

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2021 09:08 PM | Updated as of Jan 27 2021 09:55 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Inilabas na ng pulisya nitong Miyerkoles ang resulta ng ilang laboratory test, kabilang ang medicolegal report, na ginawa sa bangkay ni Christine Dacera, ang flight attendant na namatay noong bagong taon.

Sa medicolegal report base sa naunang autopsy, nakumpirma ng pulisya na ruptured aortic aneurysm ang ikinamatay ni Dacera. Anila "natural cause" at hindi homicide ang nangyari sa dalaga. 

Nakalagay din doon na lumaki ang puso ni Dacera at tumimbang ng 500 gramo, malayo sa 300 gramong normal na timbang ng puso.

Ang labis na pagsusuka umano ay puwedeng maging sanhi ng high blood pressure na magdulot ng ruptured aneurysm.

Lumabas din sa report na ang underwear ni Dacera ay walang ibang nakuhang DNA bukod sa kaniya. 

Tumanggi munang magsalita ang abogado ng pamilya Dacera dahil kailangan muna nilang basahin ang resulta ng mga eksaminasyon.

Sa kabila nito, tuloy pa rin ang isinasagawang hiwalay na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation. 

Inaasahan ng NBI na ite-turnover ng pulisya ngayong araw ang hinihiling nilang ebidensiya.

–Ulat nina Jeck Batallones at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.