Inaresto ng pulisya sa Banga, Aklan ang isang Philippine Army reservist sa bisa ng warrant of arrest sa kasong panghahalay sa isang babaeng may kapansanan. Larawan mula sa Banga Police Station
Arestado ang isang Philippine Army reservist sa bayan ng Banga sa Aklan sa kasong panggagahasa sa 21 anyos na babaeng may kapansanan sa pag-iisip.
Inaresto si Benjamin Braulio, 56-anyos, sa bisa ng warrant of arrest na inihain ng 6th Judicial Region ng Branch 6 noong Enero 25 sa Barangay Mambong.
Walang inirekomendang bail ang korte.
Bukod sa pagiging Army reservist, ang suspek ay appointed barangay tanod din sa lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng Banga Police, nangyari ang krimen Enero noong nakaraang taon. Kapitbahay ng suspek ang biktima.
Nag-iigib umano ang biktima nang sapilitang dinala ng suspek sa isang kulungan ng baboy at doon hinalay.
Napag-alaman rin na hindi lang isang beses ginawa ng suspek ang panghahalay sa biktima.
Binibigyan umano ng suspek ng P100 ang biktima upang hindi magsumbong. Pero kalaunan ay nalaman rin ng pamilya ang nangyari sa kaniya kaya nagsampa na sila ng kaso.
- Ulat ni Rolen Escaniel
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.